Ako'y napaluhod, sa di kalayuang paglalakbay
pasan ay ang bigat ng kahapong di matagumpay
mula sa lagablab ng araw sa bumbunan ay nais magpahinga
isang basong tubig ay di maipagpapalit sa magandang dalaga.
Buhay ay isang malawak at tigang na lupain
na ng isang magsasaka'y di nanaising ariin
sa lupay di matuloy ang mahiyaing pawis sa pagpatak
minimithi'y pahinga sa pagkakalugmok sa pagtahak.
Sa paglingon ay di na matanaw ang tahanang pinanggalingan
ng isang dati'y batang paslit na naghangad ng tagumpay
pangakoy naalala sa pagtingalang nagnanais pumigil sa luha
Ina, akoy magbabalik ng buo at maayos, nais kitang maging masaya.
Ang tatag ng isang puno sa gitna ng inita'y nagbibigay ng lilim
akoy nahalina't sa pagkakasandal ay napahimbing
laman ng panaginip ay paguwi ng tagumpay na sa sarili'y pinangako
sariliy kikilalanin, katatagpuin duon sa kabilang dako.
Sa pagdilat ng mga mata'y may tuwang gumuhit sa nakita
tumambad ay ang takipsilim na napakaganda't nakamamangha
nagpapaalam na araw sa napapagal na katawa'y nagiiwan ng ngiti at pagasa
ako'y magpapatuloy, tutunguhin ang nasa kabila pa ng mundong napakaganda.
-eman
No comments:
Post a Comment